Friday, 2 September 2011

TULA

ANG KAPAL

ni Rafael A. Pulmano

Ang kapal, ang kapal ng OFW
Kaydami na nilang nagkalat sa mundo
Sa ibayong dagat nagsasakripisyo
Nagpapakahirap
para di maghirap
ang pamilya rito.

Ang kapal, ang kapal, ang dami ng tao
Sa mga shopping malls twing araw ng Linggo
Titingin-tingin lang at nag-uusyoso
Ang naghihikahos
na nakararami
ngayong Pilipino.

Ang kapal, ang kapal, ang haba ng pila
Ng ibig pumasok sa pinto ng Ultra
Sa tindi ng hirap ng masang gutom na
Premyo sa Wowowee
ang inaasinta
na tanging pag-asa.

Ang kapal, ang kapal, ang daming may gusto
Na makapagsilbi sa ating gobyerno
Maski kakarampot ang sahod na sweldo
Ay kataka-takang
ayaw nang umalis
kapag napapwesto.

Ang kapal, ang kapal, ang dami ng bilang
Ng naniniwalang nandaya't nanggulang
Ang pekeng pangulong nasa Malakanyang
Ang kapal! Ang kapal!
Ang kapal! Ang kapal!
Talagang ang kapal!

No comments:

Post a Comment